Isang babaeng 17-anyos ang nalunod sa Pagadian, Zamboanga del Sur habang ipinagdiriwang ng kaniyang pamilya ang graduation ng kaniyang kapatid.

Nangyari ang insidente sa isang resort sa Pagadian, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, base sa impormasyong nakalap ng GMA Regional TV One Mindanao.

Ayon sa ama ng biktima, hindi nila napansin na lumipat sa malalim na bahagi ng swimming pool ang kanyang anak.

Natagpuan na lamang nila ang biktima na lumulutang.

Wala raw planong magsampa ng kaso ang pamilya laban sa pamunuan ng resort.

Samantala, wala namang pahayag ang resort. —KG, GMA Integrated News