Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang nakatatandang kapatid ang suspek sa pagkamatay ng 14-anyos na babaeng estudyante na tinamaan ng bala ng baril sa mukha habang sumasagot ng modules sa kanilang bahay sa Talisay City, Cebu.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing taliwas ito sa naunang inilabas na impormasyon na pinasok ng salarin sa bahay ang biktima at basta na lang binaril noong Biyernes ng umaga.
Ayon sa ina ng biktima, wala siya sa bahay ng mangyari ang insidente at nalaman lang niya sa kaniyang mga anak na hindi totoo ang kuwento na pinasok ng armadong lalaki ang kanilang bahay.
Ang dalawang kapitbahay umano nila ang gumawa ng kuwento para mapagtakpan ang kaniyang 21-anyos na anak na si Edwin Jr.
Aksidente umanong pumutok ang baril at tinamaan ang kaniyang dalagitang anak.
"Sinabihan niya ang kaniyang kuya na umusog dahil magmo-module siya. Dahil siguro pagod na siya nakatulog. Pag-usog ni Jr. [suspek], gumalaw siguro si Jacauelyn, nahulog daw ang baril [at pumutok,” ayon sa ginang.
Aminado naman ang isang kapitbahay na pinakiusapan lang siya itago ang baril pero hindi niya alam na iyon ang nakapatay sa biktima.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Epream Paguyod, OIC, Talisay City Police, na kakasuhan maging ang mga kapitbahay na naglihim ng tunay na nangyari sa biktima.
Kabilang sa mga reklamong isasampa sa kanila ay obstruction of justice, homicide accessory to the crime, habang homicide at illegal possession of firearms naman para sa kuya ng biktima na patuloy na hinahanap pa.
Nanawagan naman sa suspek ang kaniyang ina at ang mga kapitbahay nila na sumuko na siya. -- FRJ, GMA Integrated News