Patay ang isang lalaki sa Ballesteros, Cagayan matapos umanong gawing pulutan ang pufferfish o butete, ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes.
Nakasaad sa death certificate ng 44-taong-gulang na lalaki na cerebral bleeding ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Samantala, nanghina naman ang kainuman ng biktima.
"Nahilo ako at namanhid ang mga paa ko. Hindi ako makalakad. Wala akong magawa," ani Virgilio Rabago, na kumain din ng butete.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFA), nagdudulot ng cerebral bleeding ang lason na nasa loob ng butete.
Inaatake raw kasi nito ang nervous system na puwedeng magdulot ng lung o heart failure.
Ipinagbabawal ang panghuhuli ng nakalalasong butete alinsunod sa Fisheries Administrative Order No. 249. —KBK, GMA Integrated News