Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa San Pablo City, Laguna. Ang gunman, patay din nang habulin ng mga pulis, habang nadakip naman ang kasabwat niyang rider na sinabing hindi niya alam na may itutumba sila.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang CCTV footage nang tumigil sa gilid ng kalsada ang mga suspek at bumaba ang angkas na gunman.
Maya-maya pa, sunod-sunod na putok na ng baril ang nadinig.
Isang lalaki na dadalo sa pagdinig ng kasong adultery na isinampa sa asawa ang naging target at pinatay ng mga suspek.
Papaalis na sana ang mga suspek nang dumating ang mga pulis na nagkataon nasa lugar malapit kung saan nila itinumba ang biktima.
Ayon kay Police Colonel Gauvin Mel Unos, Provincial Director, Laguna PPO, pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis kaya gumanti ng putok ang mga awtoridad.
Sa paghabol, nahulog ang angkas na gunman matapos tamaan ng mga pulis. Hindi na siya umabot ng buhay sa ospital.
Nakatakas naman ang rider pero naaresto rin kinalaunan nang magpunta sa ospital para ipagamot ang tinamo niyang tama ng bala.
Ayon kay Police Lieutenant Colones Wilhelmimo Saldivar Jr., hepe ng San Pablo City police, isa ang kasong adultery na isinampa ng biktima laban sa asawa ang mga tinitingnan anggulo sa nangyaring pamamaril.
Sinabi naman ng rider na binayaran siya ng P5,000 para lang umano ipagmaneho ang kaniyang angkas. Pero hindi raw niya alam ang tunay na gagawin nito.
"May tumawag sa kaniya (gunman), sabi punta na kayo dito, nandito yung tao. Hindi niya sinabing target. Bumaba naglabas ng baril may pumutok pagtingin ko binabaril na siya," ayon sa suspek na rider.
Idinagdag niya na hinulog niya mismo ang gunman na angkas niya dahil nadadamay lang siya.
Sinabi naman ng pulisya na may dati nang kaso tungkol sa ilegal na droga ang rider. Habang ang napatay na gunman, suspek din umano sa pagpatay sa isang punong barangay noong 2016.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso para matukoy ang iba pang kasabwat sa krimen.-- FRJ, GMA Integrated News