Bangkay na nang matagpuan sa bakuran ng kanilang kamag-anak sa Quezon ang mag-inang balikbayan na halos isang buwan nang nawawala.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing Pebrero 21 nang iulat na nawawala ang mag-inang Lorry Litada at Mai Motegi, galing sa Japan.

Nakita ang kanilang mga bangkay na nakalibing sa likod ng bahay ng kapatid ni Litada sa Tayabas City.

Una umanong nakita ang maleta ng mga biktima na palutang-lutang sa ilog sa Tayabas. Nasa loob nito ang mga duguang gamit.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng pulisya, napansin ng mga awtoridad na malambot ang lupa sa likod ng bahay ng kapatid ni Litada.

Nang hukayin ang lugar, doon na nadiskubre ang bangkay ng mag-ina.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang kapatid ni Litada na itinuturing person of interest sa krimen. --FRJ, GMA Intgrated News