Nadakip na ang barangay kagawad na suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang babae sa Lipa City, Batangas noong Sabado.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na kaagad silang umaksyon nang makatanggap ng impormasyon na nasa bahay ng kapatid ang 51-anyos na suspek.

Kagawad sa Barangay Pag-Olingin East ang suspek, na nahuli-cam na harapan at malapitang binaril ang 51-anyos na biktima na naglalakad sa kalapit na Barangay Pag-Olingan West.

Ayon kay Police Captain Ricardo Cuevas, Chief Operations Officer, Lipa City Police, isang baril na walang dokumento ang nakuha sa suspek.

Ang naturang baril ang sinasabing ginamit ng suspek sa pagpatay sa biktima.

Tumangging magbigay ng pahayag sa harap ng camera ang suspek na nagsisisi raw sa nagawang krimen.

Ipinahiram lang din umano ng kaniyang kaibigan ang baril.

Tungkol sa motibo sa krimen, sinabi ni Cuevas na idinahilan ng suspek na nagpatong-patong lang daw ang mga sumbong na natatanggap niya tungkol sa biktima na naghahanap umano ng bahay ng mga maykaya na iniisip nila may planong panloloob.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News