Hindi inasahan ng isang negosyanteng nabiktima ng scam sa online cash-in na maibabalik pa ang nawala niyang pera matapos na makonsensiya umano ang suspek sa Malasiqui, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing unang naiulat ang nangyaring panloloko sa biktima sa Barangay Nalsian Norte noong Marso 13.
Pero makalipas ng dalawang araw, nakatanggap ng tawag ang biktima mula sa scammer para humingi ng paumanhin at ipaalam na ibinabalik na niya ang P35,000 na kinuha.
Nakonsensiya raw ang suspek kaya ibinalik ang pera.
"Humihingi siya ng pasensiya noong tumawag siya, sabi ko bakit niya nagawa ‘iyon? Sabi niya, nagipit lang siya," ayon sa biktima.
Ibinalik din umano ang suspek ang perang nakuha nito sa isa pang biktima sa Alcala.
Dahil sa nangyari, mas magiging mahigpit na raw ang biktima sa online financial transactions.
"Mas maingat [na ngayon], dati naman talaga payment first ang policy namin. Noong oras na iyon at ‘yung customer na ‘yun, biglang nabago ang patakaran. Dahil mayaman siya, nagtiwala ‘yung kasama ko," anang biktima.
Hindi na rin magsasampa ng kaso ang biktima laban sa suspek na sinubukan tawagan para makuhanan ang pahayag pero hindi siya sumagot.-- FRJ, GMA Integrated News