Patay ang isang 75-anyos na biyuda matapos siyang pagtatagain ng lalaking nakikitira sa kaniyang lupa sa Moalboal, Cebu. Ang biktima, pinugutan pa.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV "Balitang Bisdak" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Gomersinda Deniega, na nakita ang bangkay na tinakpan ng lona sa Barangay Basdiot nitong Lunes ng hapon.

Ayon kay Police Captain Claudio Gako, hepe ng Moalboal Police station, nadakip sa follow-up operation ang 36-anyos na suspek noong Lunes ng gabi.

Sinubukan pa umano ng suspek na itago ang katawan ng biktima matapos niyang takpan ng lona ang bangkay nito.

Nakahiway ang ulo at isang kamay ng biktima sa tindi ng mga tinamong sugat.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nagtanim ng galit ang suspek sa biktima dahil pinapaalis na siya sa lupa na pag-aari ng huli dahil gagamitin na.

Ayon sa pulisya, inabangan ng suspek ang biktima.  Pero paliwanag naman ng suspek, idinepensa lang niya ang sarili dahil una umano siyang tatagain ng biyuda nang maagaw nito ang kaniyang itak.

Sasampahan ng kasong murder ang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News