Peste man kung ituring ng mga magsasaka ang mga dagang-bukid dahil sinisira ng mga ito ang kanilang mga tanim, biyaya naman ito sa iba dahil kanilang napagkakakitaan.
Gaya sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, na makikita ang ilang kabataan na nag-uunahan sa paghuli sa mga dagang-bukid sa isang palayan sa Baler, Aurora.
Ang mga kabataan, dumayo pa umano mula sa karatig-bayan para manghuli ng daga na kanilang ibinebenta.
Nagkakahalaga umano ang mga daga ng mula P50 hanggang P100 ang bawat kilo depende sa laki nito na maaaring ulamin.
Ang perang napagbentahan ng mga daga, ipinambibili naman daw ng mga kabataan ng bigas.-- FRJ, GMA Integrated News