Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 54-anyos na ginang na pinagtataga ng kaniyang bayaw at pinugutan pa sa Goa, Camarines Sur.

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing inihagis pa ng suspek ang ulo ng biktima ng ilang metro ang layo mula sa katawan nito.

Ayon kay Police Major Rodolfo Borromeo, hepe ng Goa Municipal Police Station, sumuko ang 44-anyos na suspek matapos gawin ang karumal-dumal na krimen.

Lumilitaw na away sa lupa ang ugat ng galit ng suspek sa biktima.

Ayon sa suspek, gusto umano ng biktima na kunin ang lupa ng kanilang ama na dapat ay paghahatian nilang 11 magkakapatid.

Sinabi pa ng suspek na ang biktima umano ang lumapit sa kaniya na may hawak na itak. Nilabanan daw niya ito dahil na rin sa kaniyang labis na galit.

Ang pamilya ng biktima, hindi pa nagbigay ng pahayag habang inaasikaso ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News