Patay ang tatlong katao, kabilang ang isang senior citizen, at 14 pa ang sugatan sa mga magkakamag-anak matapos pumutok ang gulong ng kanilang van at maaksidente sa Tarlac - Pangasinan - La Union Expressway (TPLEX).
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nangyari ang insidente pasado 9 a.m. habang binabagtas ng magkakamag-anak ang bahagi ng TPLEX sa Barangay Tomana West Rosales, Pangasinan.
Sumadsad pa sa barrier ng expressway ang van, bago nagpaikot-ikot sa lakas ng impact.
Nasawi ang 76-anyos na babae at dalawang lalaki na mga edad 30 at 32.
Sugatan ang 14 pang sakay ng van, kasama na ang driver.
“Ang tantiya ko du’n, overload po. Kasi ‘yung gulong ng… ano nu’n eh 14-15. Eh ang sakay niya is 17. Siyempre long distance, hindi nakayanan ng gulong… pumutok,” sabi ni PCMS Marlon Pala, Investigator, Rosales Police.
Lumabas sa imbestigasyon na nagmula sa Caloocan ang magkakamag-anak at patungo sana sa Manaoag para magsimba.
Nananatili sa Urdaneta City District Hospital ang mga biktima, na tumangging humarap sa camera.
Ngunit ayon sa isa sa mga sakay, limang beses na nagpagulong-gulong sa kalsada ang van.
Maayos naman ang takbo ng sasakyan noong umpisa, hanggang sa bigla na lamang pumutok ang gulong nito.
Hindi rin inasahan ng mga sakay na papalya ang gulong dahil bagong bili ito.
Nakatakda rin sanang ipa-bless sa simbahan ang van.
Iuuwi sa Caloocan ang mga labi ng nasawi.
Patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan sa insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News