Patay ang apat na katao at 26 ang sugatan matapos mawalan ng preno ang isang pampasaherong bus at salpukin nito ang isang motorsiklo, tricycle, van at jeep sa Dinalupihan, Bataan.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang aksidente pasado 7 p.m. ng Miyerkules sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue sa Barangay Bangad.
Tumugon ang mga emergency personnel at ginamot ang mga sugatang pasahero at dinala sila sa ospital.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagmula ng Pampanga at papuntang Olongapo City ang pampasaherong bus, nang araruhin nito ang isang motorsiklo, dalawang tricycle, isang L300 van, bago nito salpukin din ang isang pampasaherong jeep sa kabilang lane.
Nanggaling naman sa Olongapo ang jeep at papunta na sa Bataan.
Sa lakas ng impact, gumilid ang jeep habang dumiretso sa gilid ng kalsada ang bus at nabangga nito ang poste ng ilaw at sumalpok sa bubong ng isang tindahan.
Iginiit ng 54-anyos na bus driver na nawalan siya ng preno kaya nag-overtake siya sa isang sasakyan.
Ngunit hindi niya inasahan na may makakasalubong siya na jeep.
Nasa kustodiya na siya ng pulisya.
Humingi rin siya ng tawad sa mga kaanak ng mga namatay at sugatang biktima.
Sinusubukan ng GMA Integrated News na makakuha ng pahayag mula sa pamunuan ng kompanyang nagmamay-ari ng bus.
Kakasuhan ang driver ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, at damage to properties. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News