Isa ang patay, at dalawa ang sugatan matapos na magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Bantay, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente noong hatinggabi ng Pasko sa national highway sa bahagi ng Barangay Aggay.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na biglang lumihis ang takbo ng isang motorsiklo hanggang sa makain nito ang linya ng kasalubong na motorsiklo na may dalawang sakay at nangyari ang salpukan.
Makikita rin sa CCTV footage na tumilapon ang mga helmet ng mga biktima.
Nasawi ang 47-anyos na rider ng motorsiklong lumihis ang takbo, habang sugatan ang magkaangkas sa motorsiklo na nabangga.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nakainom umano ang nasawing rider.
Samantala, nahuli-cam naman sa Santa, Ilocos Sur, ang muntikang pagsalpok ng isang kotse na lumihis din ang takbo at mabuting naiwasan ng nakasalubong niyang kotse.
Ang sasakyan na nawala sa linya, nagtuloy-tuloy sa pag-arangkada hanggang sa bumangga sa gate ng isang bahay.
Sugatan at dinala sa ospital ang apat na sakay nito na mga turista.
Ayon sa pulisya, idinahilan umano ng driver na may iniwasan siyang aso na tumawid pero malinaw sa kuha ng CCTV camera na walang aso na tumawid. -- FRJ, GMA Integrated News