Sa mismong loob na ng remittance center nahuli ang isang magnanakaw umano matapos siyang ma-trap sa loob ng establisyimento sa Cebu City.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapansin na kumpulan na ang mga tao na tila may kinakausap sa loob kahit sarado pa naturang sanglaan at remittance center sa Barangay Labangon.
Emosyonal ang isa sa mga kumakausap at hindi mapakaling kinakatok ang harang ng sanglaan.
Ilang saglit pa, pumalibot na rin sa harap ng gusali ang grupo ng mga pulis at armadong SWAT team, at nagbantay-sarado sa magnanakaw umano na na-trap sa loob ng sanglaan at armado ng baril.
Nagpatuloy ang pakikipag-usap ng pulisya sa lalaking na-trap, samantalang pinalibutan ng SWAT team ang isa pang lagusan sa loob ng sanglaan.
Makalipas ang ilang minuto, inilabas na ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Juanito Dilvo, 26-anyos.
Sinabi ng suspek na Huwebes ng madaling araw pa siya pumasok sa sanglaan matapos butasin ang kisame, ngunit may nakapansin sa kaniya.
“May kumalampag sa loob, sabi ko hindi ito gawa ng hayop, tao ang nasa loob kasi ang lakas ng kalampag,” ayon kay Amparo Paduga, na siyang nag-ulat sa pulisya.
Hindi na nakaalis ang suspek dahil tumunog ang alarm.
“Sinubukan niyang makalabas kaya pinilit niyang sirain ang bubong dahil nahirapan siyang bumalik sa kaniyang dinaanan,” sabi ni Labangon Police chief Police Major Angelito Valleser.
Nabawi mula sa suspek ang .38 baril na nakita niya sa sanglaan at ang granada na napulot lang niya umano, pati ang mahigit P5,000 na kaniyang ninakaw.
Nakabilanggo na ang suspek habang inihahanda ang reklamo laban sa kaniya.
Hindi na naglabas ng statement ang sanglaan. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News