Dahil sa laki at pangamba na baka may nakatuklaw na tao, napilitan ang mga residente sa isang barangay sa Bagumbayan sa Sultan Kudarat na patayin na ang isang makamandag na king cobra na isang bata ang unang nakakita.
Ayon sa GMA Integrated Newsfeed, isang bata na apat na taong gulang ang unang nakakita sa cobra sa likod ng kanilang bahay sa Barangay Titulok.
Tinatayang siyam na talampakan ang haba ng cobra kaya mabuti na lang at nakalayo raw kaagad ang bata mula sa ahas.
Dahil dito, hinanap ng mga residente ang cobra na una nilang nataga sa likod pero nakatakas at nagtago sa damuhan.
Nang muling lumabas ang ahas, doon na siya napuruhan ng mga tao.
Bukod sa laki ng ahas na nakadagdag sa kanilang takot, akma raw manunuklaw ang ahas kaya tinuluyan na nila itong patayin.
Ito raw ang pinakamalaking cobra na nakita nila sa kanilang lugar.
Wala naman nasaktan o natuklaw ng ahas sa mga residente.-- FRJ, GMA Integrated News