Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang ama matapos siyang gulpihin ng sarili niyang anak at dalawang manugang sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Liberato Surop Jr., 57-anyos, ng Barangay Buenlag.

Ayon sa pulisya, nag-iinuman ang tatlong suspek nang biglang komprontahin ng anak na si Ching Surop, ang kaniyang ama tungkol umano sa pagkakaroon nito ng ibang babae.

Nauwi ang komprontasyon sa paghampas umano ng anak ng kahoy sa biktima. Sumunod na rin sa pananakit ang dalawa niyang manugang.

Labis na nagisisi si Ching sa kaniyang ginawa sa ama na dulot umano ng sobrang kalasingan.
Nakadetine sa police station ang tatlong suspek.

Tumanggi naman ang dalawa pang suspek na magbigay ng pahayag. --FRJ, GMA Integrated News