Nasawi ang isang 41-anyos na rider matapos masalpok ng isang van ang kaniyang sinasakyang motorsiklo sa Balayan, Batangas.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, nangyari ang aksidente nitong madaling araw ng Sabado sa Barangay Sambat, Balayan.
Kaagad na nasawi ang biktima, residente ng Lian, dahil sa matinding pinsala na tinamo sa ulo at katawan.
Hinala ng pulisya, mabilis ang takbo ng motorsiklo nang tumama sa kasalubong na van.
"Sumabit po 'yung vehicle 2 doon po sa van. Iiwasan po siguro 'yung lubak-lubak, gano'n po. May possibility rin po ma'am na medyo inaantok 'yung rider po. Kasi madaling araw na rin po, eh," ayon kay Police Major Domingo Ballesteros, Jr., hepe ng Balayan Police Station.
Nakatakda umanong mag-usap ang driver ng van at pamilya ng nasawing rider. --FRJ, GMA Integrated News