Isang delivery rider ang hinabol at tila sasaktan ng isang customer matapos na tumanggi ang una na buksan ang parcel hangga’t hindi pa ito nababayaran ng huli sa Pitogo, Quezon.

Sa GMA Integrated Newsfeed, sinabing naganap ang insidente sa Barangay Anonangin, na mapapanood sa video ang paghahabulan ng dalawa sa daan.

Pinabubura rin ng customer sa rider ang video na kuha ng huli pero hindi siya pumayag.  Nang lumakad pabalik ang galit na customer sa kaniyang bahay, sumunod ang rider dahil nandoon pa ang kaniyang motorsiklo.

Sa video, maririnig na pinagtatalunan nila ang “No open policy,” habang pumapagitna ang asawa ng customer.


Base sa video, tumanggi ang rider na mag-sorry sa customer gaya ng mungkahi ng asawa ng customer. Kasabay nito, paninindigan ang rider na hindi niya bubuksan ang parcel hangga’t hindi niya natatanggap ang bayad ng lalaki.

Ipina-blotter na rin ng rider ang insidente.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng customer na kinuhanan ng video.

Base sa mga nakapost na polisiya ng online shopping platforms, hindi pinahihintulutan ang pagbubukas ng mga package kung hindi pa nababayaran ng customer, at pinagbabawalan din ang delivery partners o riders sa pag-turnover ng mga package na wala pang full payment.

Hindi rin maaaring i-refund ng rider ang perang naibayad kahit hindi tanggapin ng customer ang parcel lalo kung nabuksan na ito.

Makikita sa kanilang mobile apps at websites ang mga panuntunan ng online shopping platforms para sa refund o pagbabalik na mga item na ide-deliver na. -- FRJ, GMA Integrated News