Nauwi sa trahedya ang motorcade ng isang kandidatong barangay chairman sa Barangay Bunawan sa Davao City nang mabangga ng isang sasakyan ang isang babaeng limang-taong-gulang at nasawi.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, kinilala ang nasawing bata na si Mariechan Intapaya. Sugatan naman ang residenteng si Shiella Mae Casimsiman, at isang rider ng motorsiklo.
Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang insidente sa paahon na bahagi ng kalsada sa Purok Promise Land sa Barangay Bunawan.
Paliko umano ang sasakyan ng suspek na driver na si Geovani Mahinay, at doon na niya nahagip ang mga biktima na nasa gilid ng daan at nanonood ng motorcade.
“Nagtan-aw ko sa motorcade natingala na lang ko nabanggaan na lang mi naipit mi ilawm sa sakyanan…oo sa nakabangga,” sabi ni Casimsiman.
Hinala pa ng pulisya, accelerator ang naapakan ng driver sa halip na preno nang una itong may nabangga.
“Paliko siya sa kanan natamaan niya yung bystander na bata na 5-years old na kagagaling may binili sa tindahan nakaladkad siya sa may gate. After pagbunggo, biglang bumilis, ang assumption namo nakaratol siguro sa driver ang naapakan is accelerator dili preno,” paliwanag ni Bunawan Police Commander, Police Major Jake Goles.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang bata at nasawi sa ospital.
Nasa kostudiya ng pulis ang driver na humihingi ng tawad sa nangyari.
Nahaharap siya sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide, dalawang counts ng reckless imprudence resulting in physical injuries at damage to property.
“Pag abot sa ibabaw ang motor nikalit ra’g tunga ako siyang nabundulan pagbawi nako sa manibela didto ko nadiretso sa kilid. Ang ako ra maam mangayo kog pasaylo sa kabanay sa pamilya sa bata,” ayon kay Mahinay.
Dahil sa insidente, nagpaalala ang Commission on Elections sa mga kandidato na unahin palagi ang kaligtasan sa kanilang pangangampanya.
“When we do campaigning, we have to also exert the most effort na safe atong pagpangampanya, not for the sake of campaigning, it has to be safe for everyone, safe sa part sa team and part sa voters,” sabi ni Comelec-Davao Assistant Regional Director, Atty. Gay Enumerables.
Nangako naman ang kandidatong kapitan sa motorcade na sasagutin ang pagpapalibing ng biktima at tutulong din sa mga nasaktang biktima. --FRJ, GMA Integrated News