Patay ang dalawang estudyante na sakay ng motorsiklo nang bumangga sila sa steel barrier sa Roxas, Isabela. Isang lady rider naman ang nasawi rin sa aksidente sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang mga nasawing estudyante na sina Adrian Yadao at Samuel Inere Jr.
Ayon sa pulisya, galing umano sa inuman at pauwi na ang dalawa nang dumulas ang kanilang motorsiklo sa bahagi ng Barangay Lanting.
May indikasyon umano na mabilis ang takbo ng motorsiklo ng mga biktima.
"Most probably, dumulas ito at tumama sa steel barrier. Tumilapon sila and then tumama pa ulit sa concrete barrier, " ayon kay Police Major Ardee Tion, hepe ng Roxas Police Station.
Isinugod sa ospital ang dalawa pero hindi na naisalba ang kanilang buhay.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima, ayon sa ulat.
Sa San Vicente, Ilocos Sur, nasawi naman ang babaeng rider na si Elaine Mae Pastor, 28-anyos, matapos na sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa bakod ng barangay hall.
Nakita ang katawan ng biktima, 20 metro ang layo mula sa lugar kung saan bumangga ang kaniyang sasakyan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, galing umano sa bar si Pastor at pauwi na nang mangyari ang insidente.
Hinihinala na mabilis ang takbo ng biktima kaya nawalan siya ng kontrol sa motorsiklo at bumangga sa bakod. --FRJ, GMA Integrated News