Hindi na nakauwi nang buhay ang isang lalaki na nagpaalam sa kaniyang pamilya na maglalaba sa ilog sa Nasugbu, Batangas.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Henry Dime, 51-anyos, residente ng Barangay Aga.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Nasugbu, unang inireport ng mga kaanak na nawawala ang biktima matapos na magpaalam na maglalaba sa ilog noong Biyernes ng hapon.
Gayunman, hindi na nakauwi si Dime nang kinagabihan dahil tinangay pala siya ng malakas na agos ng tubig sa ilog.
"Ayon po sa mga saksi, malakas ang ulan sa gawing Silangan ng ilog kung saan nagmumula yung agos. Habang naglalaba yung tao, sa hindi niya inaasahang na pangyayari, bigla na lang bumulusok yung baha galing sa Silangan," ayon kay Maximo Feleo Jr, operation supervisor, Nasugbu-MDRRMO.
Kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang MDRRMO pero dahil sa lakas at laki ng tubig, itinuloy nila ang paghahanap kinabukasan.
Noong Sabado ng umaga, nakita na ang katawan ng biktima.
"Nakita po ang bangkay, yung kalahati ng katawan niya mula sa baywang hanggang ulo ay nakalubog sa tubig, samantalang yung kaniyang mula baywang hanggang paa ay nakasampay sa malaking bato," ayon kay Feleo.
"Dahil nga po siya'y nadala ng malaking baha, siya po'y sa parteng kanluran na nakita," dagdag niya.
Sinisikap pa na makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News