May tinutukan na umanong mga person of interest ang kapulisan ng Calbayog City, Samar, kaugnay sa nangyaring pananaga at pagpatay sa isang ginang at dalawa niyang batang anak.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing noong Agosto 30 nang makita ni Editho Candis ang bangkay ng kaniyang mag-iina sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Pupua.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng 10 taga ang asawa ni Editho na si Rhea Oreo. Nasa tabi ng ginang ang bangkay ng kanilang limang-buwang-gulang na anak na si Edison.

Habang ilang metro naman ang layo ng bangkay ng isa pa nilang anak na si Andrea, tatlong-taong-gulang.

Nananawagan ng hustisya si Editho para sa kaniyang mag-iina at hiniling sa salarin na sumuko na.

Sinabi naman ni Police Major NiƱo Cabanes, Assistant Chief of Police, sa Catbalogan PNP, na may mga person of interest na sila sa krimen at inaalam nila kung nasaan ang mga ito bago, nang mangyari, at pagkatapos mangyari ang krimen.

May inilaan din na P500,000 reward para sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para matukoy kung sino ang salarin.-- FRJ, GMA Integrated News