Nalutas na ang problema ng ilang mag-aaral sa Batangas City Integrated High School na nagtitiis na magklase na nakaupo sa sahig makaraang pahiramin sila ng ibang paaralan na sobra ang silya.
Sa ulat ng GMA Regional TV News, napag-alaman na kaagad nakipag-ugnayan sa nasabing paaralan ang mga eskuwelahan sa Batangas CIty na may sobrang upuang matapos na iulat sa GMA Integrated News ang sitwasyon ng mga mag-aaral.
“May mga paaralan po dito sa Schools Division of Batangas City na labis po ang upuan na 'yun ay ipinahiram ng mababait naming school heads,” ayon kay Aida Gutierrez, Principal IV ng Batangas City Integrated High School.
Inihayag naman ng Grade 11 teacher na si Irene Flores na unang dumating ang mga monobloc chair nang maiulat sa GMA ang kalagayan ng mga estudyante.
“After po mapa-report sa GMA agad po nu'ng hapon ay nagkaroon 'yun nga lang po ay monoblock na pansamantala. Then after a few days, nagkaroon po kami ng arm chair. So, masaya po,” dagdag niya.
Kaya naman mas komportable na ngayon ang pag-aaral ng mga estudyante sa kanilang classroom.
“Compared po dati na nahihirapan na po kami sa lessons po, siyempre, because nag-adjust pa po… nahihirapan pa kami sa situation pero ngayon po, comfortable po nakakapag-isip kami ng maayos,” saad ng estudyanteng si Jemmalou Fernandez.
Hinihintay pa ng paaralan ang pagdating ng hiniling nilang mga silya sa tanggapan ng Department of Education (DepEd).
“Sana po ay mapabilis na para lahat po ay nandito na kami sa classroom na nagtuturo,” titser ani Flores. -- FRJ, GMA Integrated News