Nasawi ang isang 38-anyos na rider matapos siyang maipit sa gulong ng truck na tinangka umano nitong unahan sa Calaca City, Batangas.

Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jomar Oba, residente sa nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na tinangka umano ni Oba na mag-overtake sa truck sa bahagi ng Barangay Dacanlao pero nag-alangan siya nang makita na may makakasalubong siyang sasakyan.

"Upon overtake napag-alaman niya na may kasalubong siya na tricycle, nag-alangan siya, nagkaroon siya ng lose control sa kaniyang motor. Na-out of balance siya," ayon kay Police Leiutenant Colonel Angelito Guardian, hepe ng Calaga city Police Station.

Natumba ang motorsiklo sa kanang bahagi ng truck at doon na naipit ng gulong ang biktima na dahilan ng agad niyang pagkasawi.

Ayon pa kay Guardian, may impormasyon din umano na nakainom ang biktima nang mangyari ang insidente.

Pansamantala umanong nakadetine sa himpilan ng pulisya ang driver ng truck.

Sinisikap namang makunan ng pahayag ang kaanak ng biktima at maging ang driver ng truck, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News