Patay ang dalawang pedestrian matapos magkarambola ang apat na sasakyan sa isang kalsada sa Pulilan, Bulacan.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV na nakahinto ang isang tricycle at isang van sa kalsada sa Barangay Dulong Malabon.

Ilang saglit pa, nagdire-diretso ang isang truck at sinalpok ang likuran ng van, kaya bumangga naman ang van sa tricycle.

Nalipat sa kabilang lane ang tricycle at tinumbok nito ang kasalubong na kotse. Tumilapon sa kalye ang dalawang pasahero ng tricycle.

Dumiretso naman ang kotse sa bangketa, dahilan para masagasaan ang dalawang pedestrian at masawi ang mga ito.

Tumulong ang driver ng kotse sa mga kaanak ng mga biktima.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang truck driver. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News