Dahil sa konsensiya, inamin na umano ng 70-anyos na babae na siya ang pumatay sa kaniyang kasambahay sa Davao City, na nakita ang bangkay na iniwan sa gilid ng daan noong June 18.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Nenita Pagatpatan.
Bago nito, nakita sa CCTV camera si Pagatpatan na may hinihilang mabigat na bagay na nakabalot sa trapal at nakasakay sa trolley.
Umaga noong June 18 nang makita ang duguang katawan ng biktimang si Shiela Lagsaway, sa Barangay Cabantian, ilang metro ang layo sa bahay ng suspek.
Ayon sa awtoridad, pinalo umano ng suspek ng kahoy sa ulo si Lagsaway habang nagdidilig ng halaman.
Nakita sa loob ng bahay ang naturang kahoy na sinasabing ginamit sa krimen.
Sinabi ni Police Captain Hazel Tuazon, spokesperson ng Davao City Police Office (DCPO), na idinahilan ng suspek na nagawa niya ang krimen matapos niya itong mapagalitan.
“Nasuko ang suspekt sa maong katabang kay kung kasab-an, ang katabang musumbong sa anak sa suspek, ang anak sa suspek istoryahan ang iyang mama,” ani Tuazon.--FRJ, GMA Integrated News