Kinatatakutan at hindi muna inuuwian ng isang pamilya ang kanilang kubo matapos matuklasang pinamumugaran na pala ito ng sangkaterbang ahas sa Kabasalan, Zamboanga Sibugay.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing isang bata na nakatira sa kubo sa Barangay Buayan ang nakakita sa nakatitindig-balahibo na mga ahas.
“‘Yung anak ko pong panganay, ‘yung 3 years old. Sabi niya may laruan daw sa taas ng bubong, kunin ko raw,” sabi ni Rissa Ejedio, may-ari ng bahay.
Nang silipin ni Ejedio ang bahagi ng bubong na itinuturo ng kaniyang anak, nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita niyang sangkatutak na ahas.
“[Siyam] po ‘yung napatay namin pero may mga nakatakas po na medyo marami-rami rin ‘yon,” sabi ni Ejedio.
Nakadagdag pa sa takot ng pamilya na natutulog sila malapit sa pinamumugaran ng mga ahas.
Maliliit pa ang dalawang batang nakatira sa kubo.
Dahil dito, hindi muna umuuwi ang pamilya sa kanilang kubo at pansamantalang natutulog sa kanilang koprahan.
Nagkasira-sira na rin ang kanilang bubong matapos hampasin ang mga ahas.
Ngunit sinabi ng Provincial Environment and Natural Resources Office o PENRO, non-venomous o walang kamandag ang mga ahas na nakita sa loob ng kubo na tinatawag na Hanlulukay o Philippine whip snake.
Madalas kumakain ng mga tuko, butiki at palaka ang mga hanlulukay.
Kahit na nanunuklaw, hindi naman umaatake ng mga tao ang mga hanlulukay, maliban na lang kung makaramdam sila ng peligro. —VBL, GMA Integrated News