Nagsusuot na ng salamin ang isang 22-anyos na lalaki sa tuwing lalabas ng kaniyang bahay sa Lingayen, Pangasinan para maikubli ang isa niyang mata na nabulag matapos umanong matalsikan ng bagoong.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, sinabi ni Jerry Caguioa, na nangyari ang insidente noong nakaraang Marso sa pinapasukan niyang pagawaan ng bagoong sa Nueva Ecija.
Nakaramdam daw si Caguioa nang matinding hapdi sa mata, na nasundan nang matinding sakit hanggang sa nawalan na siya ng paningin.
"Mahapdi na po yung mata ko nu'n eh. Pagkatapos po nu'n, hinugasan ko na po. Pero kinuskos ko muna bago ko hinugasan kasi sobrang hapdi po niya," kuwento ni Caguioa.
"Wala po akong nakikita ngayon. Mahirap tanggapin na alisin po yung isang mata," dagdag niya.
Dahil sa nangyari sa isa niyang mata, nawalan umano ng kompiyansa sa kaniyang sarili si Caguioa.
Hindi rin makabalik ng ospital si Caguioa para maipasuri pa ang kaniyang mata dahil sa kakapusan sa pera.
Nanawagan ang ina ni Caguioa na si Geraldine na sana ay matulungan sila para maipaopera ang mata ng kaniyang anak.
Ayon sa isang opthalmologist, nagdudulot umano ng pagkairita sa mata ang mga kemikal at maruming bagay na tumatama sa mata na maaaring humantong sa pagkabulag.
Kaya naman makabubuti umanong magsuot ng proteksiyon sa mga mata kung may gagawin na maaaring makasama sa mga mata.
"Siyempre madumi yun 'di ba, puwede siyang mag-cause ng infection sa mata. Tapos yung infection ay lumala, doon siya puwedeng maging grabe. Puwede siyang mag-cause ng pagkabulag," ayon kay Dr. Charisse Sanchez-Tanlapco, Opthalmologist.--FRJ, GMA Integrated News