Natagpuan na ang bangkay ng 3rd year Chemical Engineering student ng Adamson University na huling nakitang buhay noong February 18, 2023.
Sa ulat ni Glen Juego sa DZBB Super Radyo nitong Martes, sinabing nakita ang bangkay ng biktimang si John Matthew Salilig kaninang hapon sa Barangay Malagasang sa Imus, Cavite.
Ayon sa pulisya, may nakitang mga sugat sa binti ng biktima nang matagpuan.
FLASH REPORT: Isang 3rd year Chemical Engineering student mula Adamson University na huling nakita noon pang February 18, 2023, bangkay na nang matagpuan sa Brgy. Malagasang sa Imus, Cavite ngayong hapon; biktima, may mga sugat sa binti nang matagpuan. | via @glenjuego pic.twitter.com/OZhe3kjExK
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 28, 2023
Sa hiwalay na ulat ni Sam Nielsen, sinabing nakita ang bangkay ni Salilig, 24-anyos, na nakabaon sa mababaw na hukay.
Pinaniniwalaang biktima ng fraternity hazing ni Salilig na tubong Zamboanga City, at nakatira ngayon sa San Miguel, Maynila.
FOLLOW-UP REPORT: Imus, Cavite Police, kinumpirma na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya kaugnay sa natagpuang bangkay ng estudyante ng Adamson University na hinihinalang biktima ng hazing. | via @dzbbsamnielsen pic.twitter.com/v6KBVWcJuZ
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 28, 2023
Isang testigo umano ang nagturo sa kinaroon ang bangkay, at positibo naman itong kinilala ng kapatid ni Salilig.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras," sinabing welcoming rites umano ng fraternity na Tau Gamma Phi ang isinagawa kay Salilig dahil miyembro na siya ng naturang kapatiran sa kanilang lalawigan.
Ayon sa awtoridad, noong hapon ng Pebrero19 nang isagawa umano welcoming rites sa tatlong miyembro, at isang bagong miyembro ang isinalang sa initiation na isinagawa sa isang bahay sa Binan, Laguna.
Pero sa kalagitnaan pa lang umano ng aktibidad, masama na ang lagay ng biktima pero nagpatuloy pa rin ang grupo.
Sabado naman ng gabi, pauwi na umano sa Maynila ang grupo nang pumanaw ang biktima. Pero sa halip na isugod sa ospital, inilibing nila si Salilig sa Cavite.
Labis ang sama ang loob ng kapatid ng biktima sa nangyari lalo pa't miyembro rin ito ng naturang fraternity.
May anim na miyembro umano ng fraternity ang kusang nagtungo sa Binan police station para makuhanan sila ng salaysay.
Ayon pa sa pulisya, nakikipagtulungan daw ang mga ito at sila na rin ang nagbigay ng impormasyon kung saan inilbing ang biktima.
Mayroon pa umanong nasa 15 persons of interest ang pulisya sa nangyaring pagkamatay ni Salilig.--FRJ, GMA Integrated News