Arestado ang isang 18-anyos na lalaki matapos umanong pagsamantalahan ang isang 24-anyos na babae na naglalaba sa isang ilog sa Tanauan City, Batangas.

Sa ulat ni Deniece Abante sa Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Jeffrey Olequino.

Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen sa San Juan river sa bahagi ng Barangay Tres sa nasabing lungsod.

"Madalas kasing nakikita niya yung biktima natin na nandon at nag-iisa sa lugar, doon umiral yung kaniyang mentalidad bilang isang kriminal naisagawa niya yung panghahalay," sabi ni Police Senior Master Sergeant (PSMS) Rhaldie Manzanilla, chief investigator ng Tanauan City Police Station.

Ayon sa asawa ng biktima, ikinuwento umano ng kaniyang misis na pinipilit nito na sumigaw para humingi ng tulong pero inilulublob umano ng suspek ang mukha ng biktima sa tubig.

Nagawa umano ng biktima na makatakas nang mapigtas ang tsinelas ng suspek at nagawa niyang maitulak.

Mabilis na tumakbo pauwi ng bahay ang biktima at nakapagsumbong sa kaniyang kapatid. Doon na sila humingi ng tulong sa mga pulis.

Naaresto ang suspek hindi kalayuan sa pinangyarihan ng krimen. Pero hindi na siya nagbigay ng pahayag, pati ang biktima at mister nito, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News