Tatlong Southern Giant Slender-tailed cloud rats, na bawal patayin at hindi basta puwedeng hulihin ang "nasagip" ng ilang residente sa Cuenca, Batangas  makaraang maglungga ang mga ito sa kisame ng isang bahay.

Sa ulat sa GMA Regional TV nitong Lunes, sinabing nahuli ang mga daga sa kisame ng isang bahay sa Barangay San Felipe.

Agad itong ipinagbigay alam ng mga residente sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng naturang bayan.

Ayon sa MENRO, ang dalawa sa mga nahuli ay adult cloud rats, na aabot ang timbang sa 20-30 pounds, habang ang isa naman ay nasa 10-15 pounds.

Naibigay na ng MENRO ang mga nahuling kakaibang uri ng daga sa Department of Environment and Natural Resources Lipa CENRO.

Nakatakda raw dalhin ang mga ito sa isang wildlife sanctuary sa Quezon Province.

“Since ‘yung area dito sa atin sa Batangas medyo marami na nga ring tao, marami na nga rin naninirahan along dito sa Cuenca, saka rito sa paanan ng Maculot. ‘Yung tendency talaga nitong cloud rat ay bumaba para siyempre maghanap din ng pagkain for survival,” ayon kay Jannzar Aala, environmental management specialist II ng MENRO Cuenca.

Pinaalalahanan naman ng tanggapan na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-aalaga, paghuli at pagpatay sa mga cloud rat.

Ang mga lalabag ay maaaring patawan ng parusa alinsunod sa itinakda ng RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News