Apat na sakay ng isang tricycle ang nasugatan nang bumangga sila sa isang baka na tumalon mula sa umaandar na truck sa Quezon. Ang hayop, sugatan din.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, napag-alaman sa pulisya na walo ang sakay ng tricycle nang mangyari ang insidente noong Linggo ng gabi.
Ayon pa sa pulisya, binabagtas ng tricycle ang national road sa bahagi ng Barangay Madulao sa bayan ng Catanauan, habang nasa kabilang bahagi naman ng kalsada ang kasalubong na truck.
"Magkasalubong sila, biglang tumalon yung isang baka na eksakto doon sa unahan noong tricycle kaya nabangga ng tricycle yung baka na naging dahilan na masira ito [tricycle]," ayon kay Police Major Leonardo Bueverdez, hepe ng Catanauan Police Station.
Nayupi ang gulong at nasira ang unahang bahagi ng tricycle dahil sa pagkakabangga sa baka.
Apat sa walong sakay ng tricycle ang nasugatan, kasama ang driver, na pawang dinala sa ospital.
Nagtamo rin ng sugat ang baka.
Papunta raw sa Batangas ang truck nang mangyari ang insidente at may karga rin itong kalabaw.
Sasagutin naman ng may-ari ng truck ang pagpapagamot sa mga biktima, at pagpapagawa sa tricycle.
Paalala ni Bueverdez sa mga nagbibiyahe ng mga hayop, siguraduhin hindi makakawala ang mga ito. Tiyakin din na nakasara ang mga puwedeng lusutan ng mga hayop. --FRJ, GMA Integrated News