Sugatan sa pananaksak ang isang menor de edad na babae matapos manlaban sa lalaking pumasok sa kanilang bahay sa Batangas at tinangka siyang gahasain. Pero nasawi ang kaniyang tiyuhin na sasaklolo sana sa kaniya, at sugatan din ang kapatid ng biktima.
Sa ulat ni Mark Labaro sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakapasok ang suspek sa mismong pintuan ng bahay ng biktima sa Barangay Caybunga.
Wala umano ang mga magulang ng biktima nang mangyari ang insidente. Halos wala rin daw ang mga kalalakihan sa lugar dahil mayroong paliga ang barangay.
Nagising lang daw ang dalagitang biktima na hinahawakan na umano ng salarin ang kaniyang dibdib.
Nanlaban at sumigaw ang biktima kaya sinaksak siya ng 29-anyos na suspek.
Ayon pa sa pulisya, nang madinig ng tiyuhin ang sigaw ng pamangkin, nagtungo ito sa bahay at nagtanong kung ano ang nangyayari.
Nang madinig ng suspek ang paparating na tiyuhin, nag-abang ito sa pintuhan at pinagsaksak ng apat na beses ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkasawi.
Sugatan din sa tinamong apat na saksak ang nakababatang kapatid ng dalagita na nakakita sa krimen.
Dalawang saksak naman ang tinamo ng dalagita.
Patuloy na pinaghahanap ng mga pulis ang nakatakas na salarin.--FRJ, GMA Integrated News