Nasawi ang isang public school teacher habang dalawa naman ang sugatan sa banggaaan ng kotse at fuel tanker sa Orani, Bataan.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa “24 Oras Weekend”, kinilala ang biktima na si Aileen Dulay, na kasama ang kanyang mister at 4-taong-gulang na anak nang mangyari ang aksidente sa Roman Super Highway.
Wasak nang naabutan ng rescuers ang sasakyan nila Dulay habang nasa harapan nito ang nakabanggaang fuel tanker.
Hindi nasaktan ang kanyang mister na nagmamaneho ng kotse pero sugatan ang kanilang anak at driver ng truck.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, galing Mariveles, Bataan ang fuel tanker at bumabiyahe patungong Pampanga.
Pero nag-overtake umano ito kaya sumalpok sa kasalubong na kotse.
Sa lakas ng pagkakabangga nagpaikot-ikot pa raw ang tanker, habang ang kotse ay bumangga naman sa isa pang kotse na lulan si Diocese Balanga Bishop Ruperto Santos.
Ipagmaneho raw ni Santos papuntang Maynila ang kapatid. Hindi naman nasaktan si Santos, ayon sa ulat.
Paliwanag naman driver ng truck, “Eh biglang may huminto eh. Iniwasan ko kaya lang ‘yung preno ko, wala na hindi na kaya… kaya humarap dito. Hindi ko nga alam sir, kung paano natamaan ‘yan eh.”
Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente. — Mel Matthew Doctor/DVM, GMA News