Itinuturong salarin ang isang 16-anyos na menor de edad sa pagpatay sa batang lalaki na natagpuan sa bahay ng kapitbahay sa Concepcion Tarlac, matapos nitong makaaway umano ang ina ng biktima dahil sa paninira umano online.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng GMA Regional TV "One North Central Luzon" sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na nadamay lang si Axel Castro sa away ng kaniyang nanay at ng suspek.
Nag-ugat umano ito nang mag-post ng paninirang puri sa social media ang suspek laban sa nanay ni Axel.
Pansamantalang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek, na umamin umano sa krimen.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, inalok muna ng suspek ng bola at lollipop ang batan upang makuha ang loob nito, bago niya ginawa ang krimen.
"Tinakpan niya ng tela, 'yung damit daw, 'yung mukha ng bata hiniga niya sa sahig. Naumpog pa raw ang bata sa sahig. Noong nagpupumiglas ang bata may unan siyang nakita, 'yun ang pinantakip niya sa mukha," sabi ni Police Lieutenant Colonel Noriel Rombaoa, hepe ng Concepcion Police Station.
"Noong humihina na 'yung pagkawag ng bata, pag-alis niya iba na 'yung kulay ng bata. Dinala niya sa kwarto at tinakpan nga niya ng kumot," dagdag ni Rombaoa.
Nakaburol sa ngayon ang biktima sa kanilang bahay.
Nobyembre 24 nang matagpuang patay si Axel sa loob ng bahay ng kanilang kapitbahay na may busal ang bibig, sugatan at puro pasa sa katawan isang araw nang mawala. —Sherylin Untalan/NB, GMA Integrated News