Isang lalaki na armado ng baril ang nangholdap sa isang convenience store sa Jaro, Iloilo City. Ang insidente, nahuli-cam.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, ipinakita ang CCTV footage ang pagpasok ng kawatan sa convenience store na may takip ang mukha at nakasombrero.

Nagkuwaring kostumer ang suspek at lumapit sa kahera. Maya-maya lang, naglabas na siya ng baril at itinutok sa babaeng kahera.

Sa labis na takot, ibinigay ng kahera ang kita ng tindahan na nagkakahalaga ng mahigit P20,000.

Kaagad namang umalis ang suspek sakay ng motorsiklo.

Sa tulong ng rogue gallery ng pulisya, natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na si Joey Jay Tajuela.

Nadakip si Tajuela sa isinagaang hot pursuit operation ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News