Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin habang sakay ng kotse sa Bugallon, Pangasinan. Ang salarin, nakatakas sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Staff Sergeant Jeffrey Ignacio sa Barangay Salasa.
Nagtamo ng mga tama ng baril sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima na isang intel operative ng Bugallon Police Station.
Ayon sa isang residente sa lugar, nakarinig na lang sila ng sunod-sunod na putok.
“Kasalukuyan kasi kaming nagluluto. May pumutok akala namin, binato lang ‘yung yero. Noong lumayo nang kontt dito, sunod-sunod na yung putok. Mga pitong beses siguro. Lumabas ako, pagtingin ko 'yung kotse nandito na, may tama na,” sabi ng residente.
Ayon kay Police Colonel Jeff Fanged, Pangasinan Provincial Police Office Director, maaaring konektado ang insidente sa trabaho ni Ignacio.
“Mayroon tayong ongoing na one-time big-time na warrant of arrest in our province, in our region. Naka-task siya being isa sa mga intel operative. Umiikot siya, nagsu-surveillance siya sa lugar. Ganito nga nangyari sa kanya,” sabi ni Fanged.
Bumuo na ang provincial police ng Special Investigation Task Group (SITG) na magsisiyasat sa kaso at matukoy ang salarin.
“Nag-create na kami ng Special Investigation Task Group for Ignacio para ‘yung approach natin dito ay kasama natin ang ibang national support units yung CIDG Crime Lab. And ma-involve lahat ng adjacent municipalities,” sabi pa ni Fanged.
“I’m very confident and very optimistic na mare-resolve namin ito,” dagdag pa niya.
Ayon sa ulat, tumanggi ang pamilya ng biktima na magbigay ng pahayag. Posible umanong may kinalaman sa trabaho bilang pulis ang motibo sa krimen. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News