Kakaiba ang naging resulta ng pagsusuri sa isang bata sa Tabaco, Albay, na nilagnat at sumakit ang ulo.

Ito ay dahil imbes na virus o bacteria ay uod sa tenga ang nakita sa bata, ayon sa ulat ni Katrina Son sa Unang Balita nitong Lunes mula sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia.

Kuwento ng 11-anyos na bata, sumama siya sa kaniyang tatay para kumuha ng kangkong. Pero makalipas ang ilang araw ay nilagnat siya at sumakit ang ulo.

Napansin na lang daw ng pamilya ng bata na may mga lumalabas na uod mula sa kaniyang tenga.

Para makasiguro, ipinakunsulta ang bata sa City Health Unit.

Sa City Health Unit, nilinis ang tenga ng bata at binigyan ng gamot para makaiwas sa impeksiyon.

Hindi pa sigurado kung paano nakapasok ang mga uod sa tenga ng bata, pero paliwanag ni Dr. Nats Rempillo, provincial health officer ng Albay, minsan talaga ay may mga insektong nakapapasok sa tenga o ibang bahagi ng katawan ng tao at doon nangingitlog.

Pero dagdag ng doktor, delikado ito lalo na kung malapit na sa utak dahil posible raw magkaroon ng impeksiyon.

Maayos na ngayon ang kalusugan ng bata, bagama't nais pa rin ng kaniyang ama na patignan siya sa espesyalista. —KBK, GMA News