Namatay ang isang lalaking estudyante na siyam na taong gulang nang makuryente sa bakal na poste ng solar street light na nadikitan umano ng nakalaylay na kawad ng kuryente sa Bugallon, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa Regional TV News nitong Biyernes, sinabing pauwi na mula sa paaralan ang biktimang si Ivan Rambang, nang mangyari ang trahediya sa Barangay Asinan.

Dinala sa ospital ang bata pero binawian na din ng buhay.

Kasabay ng panawagan ng ina ng biktima na aksyunan ang mga nakalaylay na kable ng kuryente na nakadikit sa mga street light para hindi na maulit ang trahedya, nais niyang may managot sa nangyari sa kaniyang anak.

Sinabi naman ng opisyal ng barangay na ipinaalam na nila sa tanggapan ng electric coopertive ang nangyaring insidente.

Sinusubukan pang nakuhanan ng pahayag ang electric coopative, ayon sa ulat

Plano naman ng barangay na alisin ang poste na nakadisgrasya sa biktima.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad na iwasang humawak sa mga bakal na poste lalo na kung umuulan dahil hindi batid kung may nakadikit dito na live wire. -- FRJ, GMA News