Isang magsasaka ang nasawi matapos tamaan ng kidlat sa ulo habang nasa bukid sa Natividad, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Dionisio Dumundon Jr., 40-anyos ng Barangay San Eugenio.
Ayon sa asawa ng biktima, nagpunta ang kaniyang mister sa bukid para magtanim nang biglang bumuhos ang malakas na ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat.
Nagtamo ng sugat sa ulo ang biktima dahil sa tama ng kidlat, at hindi na siya umabot ng buhay sa ospital.
Sinabi ng mga awtoridad na ang mga kasamahan ng biktima ang nagsabi sa sinapit ni Dumundon.
Dahil sa insidente, nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na umalis sa open field kapag may pagkidlat. Huwag ding pumuwesto malapit sa puno, huwag gumamit ng mga electronic device, at sumilong sa ligtas na lugar.--FRJ, GMA News