Nakatakdang dalhin sa Lamitan City, Basilan sa Linggo ang mga labi ng dating alkalde ng nasabing lungsod na si Rose Furigay.
Hindi na idinetalye ng pamilya ang oras at ang flight para sa seguridad.
Hindi pa rin malinaw sa pamilya kung ilang araw paglalamayan sa Lamitan ang mga labi at kung kailan ito ililibing.
Nitong Biyernes ay nagsagawa ng eulogy sa burol ni Furigay sa Quezon City. Pinalayo pansamantala ang media.
Dumating dito ang anak ni Furigay na si Hannah na pansamantalang lumabas ng pagamutan.
Ito ang unang pagkakataon na makita ni Hannah ang ina mula noong Linggo matapos ang shooting incident sa loob ng campus ng Ateneo de Manila University sa Quezon City.
Humiling ng pribadong oras ang pamilya sa burol.
Matapos ang eulogy ay nagsagawa ng misa si Fr. Joel Silagpo na nanggaling pa sa Lamitan City, Basilan.
Noong Hulyo 24, dumating ang mag-inang Furigay sa Areté building para sa graduation ni Hannah sa Ateneo Law School nang namaril ang suspek na nakilalang si Dr. Chao-Tiao Yumol.
Binawian ng buhay ang dating alkalde, pati na ang kanyang aide na si Victor Capistrano, at security guard ng unibersidad na si Jeneven Bandiala.
Sugatan naman si Hannah at itinakbo sa ospital.
Nasampahan na ng mga kaso, kabilang ang murder at frustrated murder, ang suspek.
Ayon sa pulisya, may personal na away ang suspek at ang biktima sa Lamitan. —KG, GMA News