Isang 46-anyos na ginang ang nagbuwis ng buhay sa pagsagip sa dalawang menor de edad na muntik nang malunod habang naliligo sa dagat sa Sariaya, Quezon.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jovelyn Cabrera, na taga-Batangas.

Nag-outing umano ang pamilya sa Quezon nang may sumigaw na may nalulunod at mabilis na sumaklolo si Cabrera.

"Ang intention naman nitong si Jovelyn, tulungan, i-rescue yung dalawang bata. Sa kasawiang-palad siya naman yung nalunod," ani Police Corporal Junard Ravalo, investigator, Sariaya Police Station.

Hindi naman daw masama ang panahon nang mangyari ang insidente. Posible umanong pinulikat si Cabrera sa gitna nang pagsagip niya sa dalawang bata.

Sinubukan pa umanong i-revive si Cabrera nang makuha siya sa dagat pero hindi na naisalba pa ang kaniyang buhay.

Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng kaanak ni Cabrera, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News