Nakadapa at magkakatabi na nakita ang bangkay ng limang lalaki sa isang lupain sa Doña Remedios Trinidad, Bulacan. Ang mga biktima, nagtamo ng mga saksak at tama ng bala ng baril.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa CCTV na dumating ang mga biktima sakay ng isang tricycle at motorsiklo para magtabas ng damo sa lugar dakong 6:00 am nitong Lunes.
Pero pagsapit ng 10:00 am, makikita sa isa namang anggulo na tumatakbo pababa ang katiwala na magdadala sana ng miryenda sa mga kasamahan.
"Nakahilera na po sila, nilalanggam na 'yung dito sa ulo niya, sa katawan niya. Binitawan ko na po 'yung dala ko pong pagkain tapos tumakbo na po ako dali-dali pababa," sabi ng katiwala.
Bago pa nakita ang mga biktima, may narinig nang mga putok ang katiwala.
Kinilala ang mga biktima na sina Angelo del Castillo; magtitiyuhin na sina Antonio, Carlito at Rogelio Silvano, na isang PWD; at si Panfilo Bunyaga, na tatlong tao nang katiwala ng may-ari ng lupa.
May saksak sa likurang balikat ang apat na biktima, habang ang isa naman ay may tama ng bala sa batok.
Hinagpis ang naramdaman ng mga kaanak ng biktima, na hindi makapaniwala sa sinapit ng lima.
Ayon sa pulisya, dinala ng mga salarin ang mga biktima sa isang bahagi ng lupain na may lilim at doon na isa-isang pinatay. Ang isang biktima, pinapaniwalaang nakatakbo pero inabutan at saka ginilitan.
Kabilang sa mga tinitingnang anggulo ng pulisya sa krimen ay paghihiganti at away sa lupa.
"Hindi pa ho namin masasabi nang malinaw ang motibo dahil patuloy pa rin po ang paghanap namin ng mga ebidensya, mga witness," sabi ni Police Captain Eugenio De Ramos, Chief of Police ng DRT Police. --Jamil Santos/FRJ, GMA News