Nahuli-cam ang pagwawala ng isang lalaki na armado ng itak sa lalawigan ng Isabela. Sa kabila ng pag-amba niyang aatake sa mga awtoridad, naging kalmado ang mga pulis hanggang sa ligtas siyang naibalik sa kaniyang pamilya.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Amianan nitong Martes, sinabing naalarma at natakot ang ilang residente sa isang barangay sa Cauayan, Isabela nang magwala ang lalaki na sinasabing may problema sa pag-iisip.
Kaya humingi sila ng tulong sa mga awtoridad upang pakalmahin ang lalaki.
Sa video, makikita ang lalaki na armado ng itak habang may hawak na baril naman ang isang pulis na kumakausap at pinapakalma siya.
Tensiyonado ang sitwasyon dahil may mga pagkakataon na pormang aatake ang lalaki pero hindi naman niya itinutuloy.
Sa kabila ng mapanganib, nanatiling kalmado ang awtoridad at hindi binaril ang lalaki hanggang sa ligtas siyang naibalik sa kaniyang pamilya.
Ayon sa awtoridad, plano pa ring kasuhan ng alarm and scandal ang lalaki at ipapaubaya na ang pasya sa piskalya.
Napag-alaman ng awtoridad mula sa mga kaanak ng lalaki na natigil ang pagpapagamot ng lalaki na may problema umano sa pag-iisip nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.--FRJ, GMA News