Nauwi sa trahedya ang outing ng isang grupo sa Zambales nang malunod sa dagat ang dalawa nilang kasamahan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa boundary ng bayan ng San Antonio at San Narciso.
Sa video, makikita ang ilang rescuer na sinuong malalaking alon upang hanapin ang dalawang biktima na edad 15 at 36.
Mula umano sa Bulacan ang dalawang biktima na sumama sa outing sa Zambales.
Makaraang ang ilang minutong paghahanap, nakuha ang katawan ng dalawang biktima pero hindi na naisalba ng mga rescuer ang kanilang buhay.
Ayon sa mga awtoridad, tinangay ng malakas na alon ang dalawa at napunta sa malalim na bahagi ng dagat
Nakaligtas naman sa sakuna ang tatlo pa nilang kasamahan.
"Ang kuwento sa akin ng mga victim [na nakaligtas], lumusong sila tatlo na una, tapos sumunod yung dalawa," sabi ni PSMS. Marlon Bada, investigator, San Narciso Police Station.
Sinusubukan pa na makuha ang pahayag ng mga kasama sa outing at ang kaanak ng mga biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News