Nakatakas pero muling nadakip ang dalawang menor de edad na suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang pitong-taong-gulang na babae sa San Pedro, Laguna.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabing nahaharap sa kasong rape with homicide ang dalawang menor de edad na suspek na edad 16 at 17.
Ayon sa pulisya, inamin ng dalawa ang krimen at lango umano sila sa droga nang halayin ang biktima at patayin sa sakal.
July 6 nang utusan ang biktima na magpa-charge ng cellphone pero hindi na siya nakauwi. Kinabukasan ay nakita ang kaniyang bangkay sa isang abandonadong paupahang kuwarto sa kanilang lugar.
Hindi nagtagal ay naaresto naman ang mga suspek. Pero dahil sa mga menor de edad, ibinigay ang kostudiya ng dalawa sa City Social Walfare and Development Office.
Ngunit noong July 15, iniulat ng CSWD na nakatakas ang dalawang suspek.
Mabuti na lang at muling naaresto ng mga pulis at barangay tanod ang 16-anyos na suspek noong July 16. Itinanggi niya na tumakas siya.
Sunod na nadakip na rin ang 17-anyos na suspek na inilagay muna sa isolation facility matapos na magpositibo sa COVID-19.
Ayon sa pulisya, ililipat ang dalawa sa Calauan sa Laguna kapag gumaling na sa COVID-19 ang isang suspek.
Pinuna rin ng awtoridad ang umano'y kaluwagan sa CSWD kaya nakalabas ang mga suspek.
Kinukunan pa ng pahayag ang CSWD, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News