Kalunos-lunos ang sinapit ng isang tatlong taong gulang na lalaki matapos umano ito ilublob sa ilog, tapak-tapakan, saka inilibing ng sarili niyang ina sa Catanauan, Quezon. Ang suspek, sinasabing may problema sa pag-iisip.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabing nangyari ang kagimbal-gimbal na krimen noong Mayo 29 sa isang kawayanan sa Barangay Santa Maria (Dao).

Pero nito lang Hunyo 9 nalaman ang nangyaring krimen nang magsumbong ang panganay na anak ng suspek sa mga awtoridad.

"Nakita po nu'ng isang kapatid po niya na nu'ng ginagawa 'yung krimen kaso hindi lang po niya nabanggit agad dahil natakot po," sabi ni Police Captain Lindley Tibuc, hepe ng Catanauan Police Station.

Lumabas sa imbestigasyon ng Catanauan Police na may problema sa pag-iisip ang suspek na itinago sa pangalang "Dona."

"Since 10 years old po ay may nagkaroon po siya ng problema sa pag-iisip dahil nagkaroon daw po siya ng sakit," sabi ni Tibuc.

Inakala ng panganay na anak na maliligo lang sa ilog ang kaniyang ina at kapatid, pero hindi niya inasahan na hahantong pala ito sa karumal-dumal na krimen.

Inilublob umano ng sariling ina sa ilog ang walang kalaban-laban na anak, saka niya inapak-apakan sa leeg at tiyan hanggang sa mamatay ang bata.

"Nang hindi na raw po gumagalaw 'yung bata ay naghukay na raw po ng lupa itong si suspek at doon naman po malapit sa may ilog at du'n niya na po inilibing, tinabunan niya na po ng lupa," ani Tibuc.

Kasalukuyang hinahanap ng mga awtoridad si Dona na sinampahan na ng kasong parricide.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng GMA Regional TV Southern Tagalog sa kaanak ng biktima para sa kanilang pahayag.--Jamil Santos/FRJ, GMA News