Naalarma ang mga opisyal ng isang barangay sa  Guihulngan City, Negros Oriental dahil sa malaking ipu-ipo na nabuo sa karagatan pero malapit lang sa baybayin.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes ng hapon. Nasaksihan ito sa baybayan ng mga residente sa Barangay Malusay.

Kaagad na inalerto ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga residente dahil sa pangamba na baka gumalaw ito at umabot sa kalupaan ng barangay at magdulot ng pinsala.

Nababahala rin ang CDRRMO dahil halos araw-araw na may nabubuong ipu-ipo sa karagatan sa lugar.

Nanatili sa lugar ang ipu-ipo ng halos kalahating oras, na nabuo umano dahil sa localized thunder storm.

Matapos maglaho ang ipu-ipo, bumuhos naman ang malakas na ulan na nagbaha sa ilang lugar.--FRJ, GMA News