Isang miyembro ng Special Action Force ng pulisya ang nasawi matapos siyang pagtulungang gulpihan ng tatlong lalaki sa Pangasinan. Ang biktima, nakabakasyon lang at umawat lang sa away.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Patrolman Robert de Vera Jr., 29-anyos, residente ng Mapandan, Pangasinan.
Nakadestino ang biktima sa Samar at nagbabakasyon lang sa Pangasinan nang mangyari ang trahediya.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nagpunta sa peryahan si de Vera kasama ang isang kaibigan nang makita niya ang komosyon sa lugar at lumapit para umawat.
Ayon kay Police Captain Hermie Raymundo, hepe ng Mangaldan police station, bilang pulis ay tinangka ng biktima na mamagitan pero siya naman ang pinagbalingan ng mga lalaki ang pinagtulungan.
Nagpakilala raw na pulis ang biktima pero hindi siya pinaniwalaan.
Napag-alaman na apat na taon pa lang sa serbisyo si de Vera, at naulila niya ang kaniyang kinakasama at 2 nilang anak.
Tumanggi nang ng magbigay ng pahayag ang kaanak ng biktima, habang patuloy na hinahanap ang tatlong suspek.--FRJ, GMA News