Nasa 20 katao ang sinasabing nasawi at may mga nawawala pa sa  mga landslide na naganap sa Baybay City, Leyte dahil sa matinding pag-ulan na dulot ng bagyong "Agaton."

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabi ni Baybay City police chief Police Colonel Jomen Collado, na nakuha ang mga bangkay sa apat na barangay ng Mailhi, Maypatag, Bunga at Kantagnos.

“Alam na ng mga kaanak ng mga nasawi ang nangyari,” sabi ni Collado.

Patuloy pa umano ang search and retrieval operations sa anim pang nawawala.

Mayroon pa umanong iniulat na nawawala pero kinumpirma pa raw ang mga ito, ayon kay Collado.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Bisdak," makikita ang mga pagbaha na idinulot ng bagyong Agaton sa lalawigan ng Leyte.

Nag-landfall si Agaton sa Calicoan Island sa Guiuan nitong Linggo ng gabi.

Nitong Lunes ng hapon, isinailalim ng PAGASA Signal No. 1 ang 11 lugar matapos mag-landfall naman ang bagyo sa Basey, Samar. — FRJ, GMA News